Opisyal nang itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang drug czar ng pamahalaan si Vice President Leni Robredo.
Sa designation letter na pirmado ng Punong Ehekutibo noong October 31, 2019, itinatalaga si VP Robredo bilang co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs, o tagapanguna ng Anti-Illegal Drugs Campaign ng gobyerno.
Epektibo ito hanggang June 30, 2022 liban na kung ipapawalang bisa.
Inaatasan din ng Pangulo ang Philippine Drug Enforcement Agency, Philippine National Police, Dangerous Drugs Board at iba pang Law Enforcement Agencies na ibigay ang kanilang buong kooperasyon sa Bise Presidente upang matiyak ang tagumpay sa Anti-illegal Drugs Campaign.
Ayon kay Presidential Spokeperson at Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, Cabinet Rank ang posisyong ibinigay kay VP Robredo at maaari na itong dumalo ng cabinet meeting ni Pangulong Duterte simula sa Huwebes kung tatanggapin niya ito.
“Cabinet member na nga siya, lahat ng pwede niyang gawin, pwede na niyang gawin,” ani Sec. Salvador Panelo, Presidential Spokeperson and Chief Presidential Legal Councel.
Inaasahan ng Palace Official na dahil dito, makikita na ng mga kritiko ng administrasyon ang sinseridad ng Pangulo ng alukin si VP Robredo na maging drug czar.
Nilinaw naman ng Malacañang na hindi sakop ng pagiging drug czar ni VP Robredo ang pagtatalaga ng susunod na magiging PNP Chief gayundin ang bagong pinuno ng PDEA at DDB.
Sakali namang di tanggapin, ayon kay Secretary Panelo,nangangahulugan itong walang basehan ang kritisismo ng Bise Presidente laban sa anti-drug war ng pamahalaan.
“Tanggapin na niya ‘yun kasi, pagkakataon na niya. Kung ako siya, welcome naman siya sa cabinet, tanggapin na niya,” dagdag ni Sec. Salvador Panelo, Presidential Spokeperson and Chief Presidential Legal Councel.
Matatandaang ginawa ni Pangulong Duterte ang alok kay VP Robredo noong nakalipas na linggo matapos kundihanin ng pangalawang pangulo ang Anti-drug War ng Duterte Administration.
Ayon kay Robredo kinakailangang baguhin ang istratehiya at i-reassess ang kampanya kontra iligal na droga dahil sa kabiguan umanong pababain ang bilang ng drug users sa bansa at maraming napapaslang sa giyera kontra droga ng pamahalaan.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: Drug czar, DU30, Pangulog Duterte, Rodrigo Duterte, Vice President Leni Robredo