Ngayong pormal nang nakapanumpa ang bagong pangulo at ikalawang pangulo ng bansa, palaisipan pa rin kung ano ang magiging papel ni Vice President Leni Robredo sa bagong administrasyon.
Hanggang ngayon kasi ay wala pang malinaw na posisyong ibinibigay sa kaniya si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Peter Laviña, tagapagsalita ni Duterte, ang hindi pagbibigay ng anumang posisyon sa gabinete ay personal na desisyon ni Pangulong Duterte.
Batay sa kasaysayan ng bansa nagkaroon na tayo ng labing apat na Vice President mula 1935 hanggang 2016.
Si Vice President Sergio Osmeña ang inaugural holder o unang humawak ng naturang posisyon.
Sinundan siya nina Elpidio Quirino (1946-1948), Fernando Lopez (1949-1953), Carlos P. Garcia (1953-1957), Diosdado Macapagal (1957-1961), Emmanuel Pelaez (1961-1965) at Fernando Lopez (1965-1972).
Ngunit noong 1972 hanggang 1984 ay nagdeklara ng martial law ang noo’y Pangulong Ferdinand Marcos kaya nabakante ang naturang posisyon.
Matapos ang 1986 snap elections na sinundan ng People Power Revolution kung saan naluklok sa pwesto si ginang Corazon Aquino ay muling napunan ang Vice President post na hinawakan ni Salvador Laurel hanggang 1992.
Mula noon muling naging aktibo sa pamahalaan ang mga nahalal na bise presidente na sina Joseph Estrada (1992-1998), Gloria Arroyo (1998-2001), Teofisto Guingona (2001-2004), Noli De Castro (2004-2010) at Jejomar Binay (2010-2016).
Nakasaad sa batas, ang pangalawang pangulo ang constitutional successor sa pagkapangulo sakaling mag-resign, magkaroon ng disability o mamatay ang kasalukuyang presidente.
Tulad na lang sa kaso nina Sergio Osmeña na naging presidente nang mamatay si Manuel L. Quezon, Elpidio Quirino na humalili kay Manuel Roxas, Carlos P Garcia na pumalit kay Ramon Magsaysay at Gloria Arroyo na nag-take over noong magresign si Pang. Joseph Estrada.
Maaari rin siyang humawak ng cabinet posisyon kung bibigyan ng pangulo gaya nina Quirino, Garcia, Emmanuel Pelaez, Salvador Laurel at Teofisto Guingona na naging Foreign Affairs Secretary.
Si Joseph Estrada naman ay namuno sa Presidential Anti-Crime Committee habang si Gloria Arroyo ay naging Social Welfare Secretary.
Kapwa naman naging Housing Czar sina Noli De Castro at Jejomar Binay.
Sa panahon nating ito, hindi man magkaalit, tila hindi rin naman magkalapat sina President Duterte at Vice President Leni Robredo.
Subalit ayon sa kampo ng pangulo, ito ay maaring pansamantala lamang dahil ayaw nilang maulit ang nangyaring pagpapatalsik kay dating Pangulong Joseph Estrada ng noong ikalawang pangulo na si Gloria Arroyo.
Sinabi ni Laviña, inirerespeto naman ng administrasyon ang tungkuling dapat gampanan ng ikalawang pangulo.
(Marje Navarro/UNTV Radio)