METRO MANILA – Wala pang opisyal na katambal ang Presidential Aspirant na si Senator Bong Go para sa 2022 elections pero kung siya lamang daw ang masusunod, si Presidential Daughter at Davao City Mayor Sara Duterte Carpio ang gusto niyang bise presidente.
Sa isang event ng Malasakit Center kahapon (November 16), sinabi ng senador na malaking bagay din kung susuportahan ni Mayor Sara ang kanyang kandidatura.
“Kung ako ang tatanungin, personally po, wala po akong ibang pipiliin kundi si Mayor Inday Sara Duterte. Ngunit meron po kaming partido, at meron pong proseso na dapat sundin. Antayin na lang po natin.”ani Sen. Christopher “Bong” Go.
Pero kagabi (November 16), kinumpirma na ni Mayor Sara ang alyansa nito kay Presidential Aspirant Former Senator Ferdinand Bongbong Marcos.
Bago nito, inadopt na si Mayor Sara ng Partido Federal ng Pilipinas bilang running mate ni Marcos.
Ayon sa alkalde, tinanggihan ng ruling party na PDP-Laban, kung saan chairman ng Cusi faction ang kanyang ama na si Pangulong Duterte, ang pagbibigay suporta sa kanilang tambalan ni Marcos.
“Ang aking partido ay nakipag-alyansa at humingi ng suporta para kay Bongbong Marcos at para sa akin matapos kong tanggapin ang inyong hamon at panawagan. Tinanggihan ito ng PDP at naiintindihan natin ito.” ani Vice Presidential Aspirant Mayor Sara Duterte-Carpio.
May nilinaw din ang Presidential Daughter tungkol sa ibang katunggali sa pulitika.
“Pero gusto ko lamang na linawin — walang pangalan na sinisira o dinudungisan, walang sinasagasaan, walang inaagrabyado, inaaway, pinapaiyak o inaapi. Sa muli, nananawagan ako ng pagkakaisa.” ani Vice Presidential Aspirant Mayor Sara Duterte-Carpio.
Walang binanggit na pangalan ang alkalde ngunit matatandaang naging emosyonal si Go sa isang talumpati ilang oras matapos ang pag-atras ni Mayor Sara sa pagka-alkalde sa Davao at sinabing kailangan umano niyang umiwas.
Matapos din ang kanyang paghahain ng kandidatura sa pagkapangulo, may nabanggit ang senador patungkol sa dahilan ng kanyang pag-atras sa vice-presidential race.
Kahapon, sinabi rin ni Go na biktima umano siya ng substitution kaya pabor sya sa mga panawagang mapag-aralan ang pagtatanggal sa substitution rule.
Habang wala pang opisyal na running mate, kasama raw munang mag-iikot ni Go si Pangulong Duterte at ibang pambato ng administrasyon.
Inaasahan namang maglalabas na rin ang BBM-Sara tandem ng kanilang mga pambato sa eleksyon.
(Harlene Delgado | UNTV News)
Tags: 2022 National Election