Voter Registration, muling bubuksan sa July 4-23

by Radyo La Verdad | June 29, 2022 (Wednesday) | 12909

METRO MANILA – Inanunsyo ng Commission on Elections (COMELEC) na muling magbubukas ang voter registration sa July 4  hanggang July 23 para sa Barangay at SK Elections na gaganapin sa December 5, 2022.

Ipinahayag ni COMELEC Acting Poll Body Spokesperson John Rex Laudiangco na inaprubahan ng En Banc ang muling pagbubukas ng pagpaparehistro na magpapatuloy lamang hanggang sa July 23.

Dagdag pa nito na hindi na papayagan na paabutin pa ng August 7 ang pagpaparehistro para makaboto sa Barangay at SK elections dahil nakasaad sa Republic Act 8189 o ang Continuing Voter’s Registration Act, na nagbabawal sa pagpaparehistro ng mga botante sa loob ng 120 araw bago ang itinakdang araw ng halalan.

Mas maaga nang 7 araw ang naaprubahan na voter registration period kaysa sa naunang naimungkahi na July 30.

Maraming post-registration activities at requirements ang kinakailangan pa nilang mabigyan ng sapat na panahon, ayon kay Ludiangco.

Ani pa ni Ludiangco na mayroon na lamang Hulyo 24 hanggang Agosto 6 upang mag-publish ng mga aplikante ng voter registration, magsagawa ng Election Registration Board hearings, isailalim ang mga registrants sa database verification, at aprubahan ang proyekto ng mga presinto at cluster kung kinakailangan. Bukod ito sa mga petisyon para sa inclusion or exclusions na ihahanda at pagdedesisyonan ng MeTCs (Metropolitan Trial Courts) o MTCs (Municipal Trial Courts). 

Tinatayang 66 milyong rehistradong botante, kabilang ang 23 milyong kabataan ang inaasahang lalahok sa Barangay at SK elections sa Disyembre.

(Edmund Engo | La Verdad Correspondent)

Tags: ,