Vote buying, isa sa mahigpit na babantayan ng PNP ngayong 2019 midterm elections

by Radyo La Verdad | October 19, 2018 (Friday) | 4986

Aminado ang pamunuan ng pambansang pulisya na mahirap mahuli ang mga kandidatong namimili ng boto, lalo na’t hindi naman nagsusumbong sa mga otoridad ang mga inaalok ng pera kapalit ng kanilang boto.

Ngunit ayon kay PNP Chief Oscar Albayalde, bukod sa pagbabantay ng seguridad sa 2019 midterm elections, kasama sa mandato niya sa mga pulis ay pigilan ang mga kaso ng vote buying. Isa din sa bilin ni Albayalde sa mga pulis na huwag magpapagamit sa kahit kaninong kandidato.

Dagdag pa niya, matitigil lang ang vote buying tuwing eleksyon kung mismong ang mga pulitiko ang hihinto sa pamimili ng boto.

Samantala, isa rin sa binabantayan ng PNP ay kung muling nanghihingi ng permit to campaign at permit to win ang New People’s Army (NPA) sa mga kandidato gaya ng nangyari sa nakaraang eleksyon.

Ayon sa heneral, ang nakukuhang pondo ng rebeldeng grupo mula dito ay kanilang ginagamit sa pagpapalakas ng kanilang pwersa. Hindi lang aniya pera ang hinihingi ng rebeldeng grupo, kundi pati pagkain at kung minsan ay mga baril.

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

Tags: , ,