Vote buying, inirereklamo ng ilang kandidato at supporters sa Brgy. Alicia sa Quezon City

by Radyo La Verdad | May 15, 2018 (Tuesday) | 4132

Sumugod ang kampo ng apat na kandidato sa pagka-kapitan sa Barangay Alicia at mga supporters nito sa Sto. Nino Parochial School  kagabi upang iprotesta ang umano’y talamak na vote buying at pandaraya sa lugar.

Inirereklamo nila ang katunggaling si Ric Corro na nangunguna sa bilangan. Hindi anila matanggap ang resulta ng isinagawang bilangan.

Desidido ang mga nagrereklamo na maghain ng electoral protest at sinabi na hindi sila aalis sa paaralan hanggat walang humaharap sa kanilang opisyal ng Comelec.

Hindi rin anila sila makapapayag na may maiproklamang kapitan sa kanilang lugar hanggang hindi nareresolba ang kanilang hinaing.

Pasado alas onse kagabi ng humupa ang tensyon nang dumating ang mga pulis at mga tauhan ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PCCRV) upang paliwanagan ang mga ito.

Isa ang Barangay Alicia sa apat na idedeklarang areas of concern ng Quezon City Police District dahil sa matinding away pulitika.

Dalawang gurong miyembro ng board of canvassers naman sa Judge Juan Luna High School sa Barangay Bungad, Quezon City ang inakusahan ng iregularidad ng ilang pollwatchers.

Ayon kay Omar Rosas, napansin umano niya na may kinuhang balota ang ito sa drawer at isinasama sa bilangan at pagkatapos ay itinago muli sa drawer.

Nagkagulo din ang mga botante sa Nagkaisang Nayon Elementary School, Quezon City matapos umanong isakay sa mga Comelec mobile ang limang ballot boxes at tangkaing ilabas sa paaralan.

Ayon sa mga saksi, hindi pa nabibilang ang mga balota kaya’t hindi ito dapat ilabas sa paaralan.

Ayon naman kay Police Chief Inspector Leo Escat ng QCPD Station 4 na rumesponde sa insidente, nabilang na ang mga laman nito at dadalhin na sa city hall alinsunod sa proseso.

 

( Reynante Ponte / UNTV Correspondent )

Tags: , ,