Virtual protest, isasagawa ng Samahan ng mga Manggagawa Ngayong araw

by Erika Endraca | May 1, 2020 (Friday) | 12721

METRO MANILA = Sa kaunaunahang pagkakataon, hindi magsasagawa ng malakihang kilos-protesta ang mga grupo ng manggagawa ngayong Labor Day  (May 1).

Ayon kay Associated Labor Union-trade Union Congress / Philippine Spokesperson Alan Tanjusay, gagamitin muna nila ang internet para iparating ang kanilang mga saloobin.

“Siguro may tatayo sa kalye mga 10 o 20 na may mga social distancing, nakamaskara at may mga plaque card. at yun ay ibi-video, yun ay lilitratuhan at ipopost sa social media.”ani ALU-TUCP Spokesperson, Alan Tanjusay.

Ayon sa grupo, nasa 5 Milyong manggagawa ang natigil sa pagtatrabaho mula nang ipatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa ilang lugar sa bansa bunsod ng COVID-19 pandemic.

Wala anilang kasiguruhan kung lahat ng mga ito ay may babalikan pang mga trabaho dahil sa epekto narin ng ECQ sa kanilang kumpanya.

Posible rin umanong dumami ang mga contractual employment lalo na’t kung magiging “work-from-home” na lamang ang magiging bagong setup ng mga kumpanya.

“Kung work from home ka o babayaran lang kita kung ano yung inutos ko sayo. for example, kung nagutos ko sayo na magtrabaho ka lang ng 3 oras, babayaran lang kita ng 3 oras hindi 8 ours.”ani ALU-TUCP Spokesperson, Alan Tanjusay.

Sa ngayon ay may nakabinbing petisyon ang grupo para sa hiling na umento sa sahod subalit naudlot pa ang pagsasagawa ng public hearing dahil sa COVID-19 outbreak.

Samantala, aarestuhin naman ng Philippine National Police ang mga magsasagawa ng pisikal na kilos protesta kasabay ng labor day.

Ayon kay PNP Chief Police General Archie Gamboa ang pagsasagawa ng rally ay paglabag sa Enhanced Community Quarantine.

Nagtalaga na ang mga pulis na magmomonitor kung may magsasagawa ng labor day protest sa mga lugar na nasa ilalim ng ECQ at sa iba pang mga lugar sa bansa.

(Asher Cadapan Jr.| UNTV News)

Tags: ,