Violators sa Comelec gun ban sa Metro Manila, umabot na sa 33

by Radyo La Verdad | January 16, 2022 (Sunday) | 461

METRO MANILA – Nakapagtala ng 33 indibidwal ang naaresto ng mga pulis matapos makumpiska ang 20 baril at 56 na mga nakamamatay na armas sa buong Metro Manila sa isinasagawang checkpoint bunsod ng gun ban ng Commission on Election (Comelec) ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO).

Ayon sa kanilang inilabas na pahayag noong January 16, 2022, nagsagawa ng 1,215 na operasyon ang mga pulis mula noong January 9-14 kabilang ang paglalagay ng checkpoint ng pusliya upang mapaigting ang implementasyon ng gun ban sa Metro Manila.

Binigyang-papuri ni NCRPO chief Major General Vicente Danao ang pagpapaigiting ng gun ban upang maging maayos at mapayapa ang bansa sa nalalapit na eleksyon.

Sa kanilang mga operasyon, 329 indibidwal na hindi bakunado ang naharang dahil sa paglabas ng bahay sa gitna ng banta ng COVID-19 sa bansa.

Dagdag pa ng NCRPO chief, patuloy ang pagsugpo ng pulisya kontra kriminalidad, terorismo, iligal na droga maging ng COVID-19. Ipinawagan niya sa publiko na magkaisa at magtulungan sa pamamagitan ng pagsunod sa minimum public health standards lalong-lalo na sa mga hindi bakunadong indibidwal upang matapos ang pandemya.

Sa ngayon ay patuloy na implementasyon ng nationwide gun ban hanggang June 8, 2022.

(Judren Soriano | La Verdad Correspondent)