Vice President Leni Robredo, buo ang suporta sa kampanya ni Pangulong Duterte kontra droga

by Radyo La Verdad | July 12, 2016 (Tuesday) | 3872

ROBREDO
Ipinaabot ni Vice President Leni Robredo ang buong pagsuporta kay Pangulong Rodrigo Duterte sa kampanya nito laban sa iligal na droga at krimen.

Ito ay sa gitna ng kaliwa’t kanang batikos sa Duterte administration dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga napapatay kaugnay sa iligal na droga sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ayon kay Robredo, nakakabahala na ang mahigit sa isang daang napatay dahil sa iligal na droga sa nakalipas na isang buwan.

Kaya naman hiniling nito sa mga kaukulang ahensya na imbestigahan ang mga pagpatay.

Gayunman naniniwala si Robredo na kung mapatunayang sangkot nga sa operasyon ng iligal na droga ay dapat silang managot sa batas.

Tiwala rin si Robredo sa pangulo na bilang dating abugado at prosecutor ay gagawin nito ang nararapat.

Umaasa rin si Robredo na hindi madadamay ang mga inosente at walang kalaban-laban.

Ayon naman kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella kung may iregularidad, maari namang magsampa ng kaso ang sinoman o ang mga kaanak ng mga napatay.

Sinabi pa nito na planong paimbestigahan ni Pangulong Duterte ang mga barangay official na nagpapabaya sa kanilang tungkulin sa pagkalat ng illegal na droga sa kanilang nasasakupaan.

(Grace Casin / UNTV Correspondent)

Tags: , , ,