METRO MANILA – Nanumpa kahapon (June 19) si Vice President-Elect Sara Duterte bilang susunod na pangalawang pangulo ng bansa sa kanyang hometown sa Davao City.
Siya ang magiging pinaka batang bise presidente ng Pilipinas sa edad na 44.
Ilang pulitiko at kamag-anak ang dumalo sa inagurasyon.
Pinangunahan ni Supreme Court Associate Justice Ramon Hernando ang Oath of Office ni Duterte.
Ang kanyang ina naman na si Elizabeth Zimmerman ang humawak ng bibilya.
Katabi niya sa entablado si Pangulong Rodrigo Duterte na niyakap ni VP-elect Sara at nagmano pagkatapos ng kanyang panunumpa.
Inamin kamakailan ng nakababatang Duterte na noong Agosto pa sila huling nag-usap na mag-ama.
Inaalala rin ng vice president elect kung paano nabago ang takbo ng kanyang karera mula sa pangarap na maging doktor hanggang naging abogado at kalauna’y pulitiko.
Kinilala rin ni Duterte ang buhay at sakripisyo ng pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal sa kanyang ika-161 kaarawan kahapon (June 19).
Nakapaloob din sa mensahe ni Duterte ang tema ng edukasyon.
Si Duterte ang uupong susunod na kalihim ng Department of Education (DepEd).
Dito binigyang diin ng vice president at ang kahalagahan ng isang matibay na pamilya sa paghubog ng kabataan at pagsisimula ng pagkatuto sa tahanan.
Ilan sa mga hamon na para kay Duterte ay kahaharapin ng mga bata ay walang katapusang problema ng kahirapan; irresponsible parenting; diskriminasyon; kriminalidad; hindi pagsasalita laban sa mga pang-aabuso; epekto ng teenage pregnancy; bullying; unstable mental wellness; at misinformation.
Ipinagmalaki rin niya na siya ay isang proud Davaoeana at Mindanawon.
Tumagal ng humigit kumulang 10 minuto ang kabuuang talumpati ni Duterte.
Sinundan ito ng photo opportunity kasama ang first family, pamilya ni president-elect Bongbong Marcos at iba pang bisita at ng publiko.
Samantala, sa Maynila mag-oopisina si Duterte sa oras na maulong pangalawang pangulo.
Ayon sa kanyang tagapagsalita na si Incoming Tourism Secretary Cristina Frasco, gagamitin din ni Duterte ang Quezon City reception house bilang opisina ng pangalawang pangulo.
Ito rin ang naging opisina ni Vice President Leni Robredo sa loob ng 6 na taon.
Sa kanya namang pagganap ng tungkulin bilang kalihim ng Department of Education (DepEd), sa mismong Central Office sa Pasig City mag-oopisina si Duterte.
Una nang sinabi ng susunod na pangalawang pangulo na magkakaroon ng satellite offices ang kanyang opisina at layon nilang magtatag ng isang permanenteng opisina na legasiyang kanyang nais iwan sa Office of the Vice President (OVP).
(Harlene Delgado | UNTV News)