Vice mayor ng Jabongga, Agusan Del Norte, arestado sa anti-drug operation ng PNP at PDEA Caraga

by Radyo La Verdad | November 29, 2018 (Thursday) | 2889

Nasa kustudiya ngayon ng Philipphine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office 13 si Jabonga, Agusan del Norte Mayor Glecerio Monton matapos maaresto sa kaniyang tahanan kahapon ng madaling araw sa isinagawang drug raid ng PDEA at Philippine National Police (PNP).

Nakuha sa bahay ng vice mayor ang 60 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit pitong daang libong piso at isang Granada.

Ayon sa Agusan del Norte PNP, kabilang si Monton sa narcolist ni Pangulong Rodrigo Duterte. Dati na itong sumuko sa oplan tokhang, Agosto noong nakaraang at pinabulaanang sangkot siya sa iligal na droga.

Mula noon, nasa isang taon din itong isinailalim sa surveillance ng pulisya bago tuluyang ginawa ang operasyon kahapon.

Pinabulaanan naman ng PNP ang mga alegasyon na politically motivated ang pagkakaaresto ng vice mayor lalo na tatakbo itong muli sa 2019 elections.

Nahaharap ngayon si Monton sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at illegal possesion of firearms of explosives.

Sa ngayon, wala pang ibinibigay na pahayag si Vice Mayor Monton sa media. Isinailalim din ito sa drug test na ngayon ay hinihintay pa ang resulta.

Ayon sa PNP, bukod kay Vice Mayor Monton, may iba pa silang minamanmanan pa na mga high valued target sa probinsya ng Agusan.

 

( Raymond Octobre / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,