Inanunsyo ngayon ni Makati Vice Mayor Kid Peña na balik na ito sa dating posisyon bilang bise alkalde ng lungsod, matapos na makatanggap kahapon ng direktiba mula sa Department of the Interior and Local Government.
Bandang 5:00pm, kahapon nang matanggap ni Peña ang order mula sa DILG, na naguutos na bumalik na ito sa kanyang dating opisina at muling gampanan ang posisyon bilang vice mayor ng Makati.
Nakasaad sa order ng DILG na ang pagbaba ni Peña sa posisyon bilang acting mayor ay alinsunod sa writ of preliminary injunction na una nang inilabas ng Court of Appeals.
Ngayong umaga ay bumalik na sa kanyang dating opisina si pena at prayoridad nya sa ngayon ang pagpirma sa mga nakabinbing vouchers at payroll, upang mapasweldo na ang ilan pang mga empleyado ng lungsod.
Bukod sa pagpirma ng mga dokumento, kinumpirma rin ng bise-alkalde na dadalo na sya sa susunod na council meeting upang mag-preside ng pagpupulong ng konseho.
Bago pa man bumalik sa dating opisina,ay pinasalamatan naman ni Peña ang mga pulis na matiyagang nagbantay sa kanya sa Old City Hall sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang acting mayor.
Umaasa naman si Peña, na magiging maayos ang lahat sa kanyang pagbabalik bilang vice mayor, at nandigan na sinusunod lamang niya ang rule of law.(Joan Nano/UNTV News Correspondent)
Tags: Court of Appeals, DILG, Kid Peña, Makati City, writ of preliminary injuction