METRO MANILA – Kinumpirma na sa isang panayam ng Veteran Broadcaster na si Raffy Tulfo ang pagtanggap niya sa alok ng Partido Reporma nina Presidential Aspirant Senator Panfilo Lacson at ka-tandem nitong si Senate President Vicente Sotto III na maging kabilang siya sa senatorial slate ng kanilang partido.
“Yes, I just did. Noong Saturday tinanggap ko yung offer ni Senator Ping Lacson na maging guest candidate nila. Ako po ay nagpapasalamat sa tiwala na ipinagkaloob sa akin nina Senator Ping Lacson at Senate President Tito Sotto na mapabilang sa kanilang senatorial slate.” ani Veteran Broadcaster Raffy Tulfo.
Ayon sa Partido Reporma, ang pagkabilang ni Tulfo sa kanilang senatorial slate ay lalong nagpalakas sa kanilang isinusulong na mga adbokasiya.
Ngunit sa kabila nito mariing ipinahayag ni Tulfo na bagaman kumakandidato siya sa ilalim ng isang partido ay nananatili pa din aniya siyang independent candidate na siyang tapat sa sambayanang Pilipino.
Nakilala si Raffy Tulfo o idol kung tawagin ng iba dahil sa kanyang programang Wanted sa Radyo na kilalang sumbungan ng bayan at nagbibigay serbisyo sa mamamayang Pilipino.
(Jasha Gamao | La Verdad Correspondent)