METRO MANILA – Sisimulan na ngayong araw (October 29) ang phase 3 ng pediatric A3 sector vaccination sa 123 regional hospitals at non hospital vaccination sites sa labas ng NCR .
Sa November 3 ay isasagawa naman ang kickoff ng Nationwide COVID-19 Vaccination Rollout sa mga edad 12 hanggang 17.
Idaraos ito sa mga vaccination site sa NCR at sa mga rehiyong handa nang magbakuna sa mga kabataang Pilipino.
Sa November 5 , opisyal namang uumpisahan ang rollout nito sa iba pang lugar sa Pilipinas.
Ayon kay National Vaccination Operations Center Chairperson Usec Myrna Cabotaje, pareho lang ang guidelines sa pagbabakuna ng mga batang meron at walang comorbidity dahil kailangan pa rin ng consent ng magulang at assent ng menor de edad.
“Ang kaibahan lang ay yung sa rest of the pediatric population, we will not require a medical certificate or a medical clearance from the attending doctor kasi we presume na hindi naman may sakit ito, they are healthy and they have no history of any illness. Pero itutuloy pa rin natin yung ating screening.” ani NVOC Chairperson Usec Myrna Cabotaje.
Ayon kay Usec Cabotaje, dahil bata na ang mga babakunahan pagpasok ng Nobyembre, kailangan planuhing maigi ng mga local government ang rollout nito.
Kung parehong site gaya sa adult population, kailangan may seperate lane sila at mas maluwag ang espasyo dahil mayroong kasamang magulang o gurdian.
“We will leave it to the discretion of the local government units., iyong mga bakuna center in general pareho iyan sa adult…baka i-extend time considering some distance problems or kaya naman Sabado o Linggo. Walang specific na dates. Basta gusto natin mabakunahan as fast as many and with minimum wastage and safety ang ating prime consideration.”ani NVOC Chairperson Usec Myrna Cabotaje.
Samantala may special precaution sa mga minor kaya mas tututukan ng DOH ang monitoring sa mga ito.
Dapat maihanda rin ng LGUs ang ang post- vaccination area para sa mga menor de edad.
At dahil mas malawak na ang pagbabakuna, kailangan ng mas madaming pwersa ng mga health workers kabilang na ang mga dentista.
Pinag-usapang maigi ng Professional Regulatory Commission at ng Philippine Dental Association ang naturang panukala bago pinagdesisyunan.
Pinapayuhan ng vaccine cluster ang mga magulang na makipag- ugnayan sa mga lgu sa oras, scheduling at registration sa pagbabakuna ng kanilang mga anak.
Batay sa tala ng Phil Statistics Authority (PSA), 12.7 million ang 12- 17 yrs old na eligible para makatanggap ng COVID-19 vaccines.
(Aiko Miguel | UNTV News)
Tags: pediatric vaccination