METRO MANILA – Tuluyan nang naging batas ang panukalang magpapatupad ng regulasyon sa Vaporized Nicotine o Vape at Non-nicotine products kasama ang Novel tobacco products. Mas kilala ito sa “Vape Bill”.
Kinumpirma ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, na nag-lapse into law na ang naturang panukalang batas noong July 25.
Ibig sabihin lumagpas na ang 30-day period na itinatakda ng konstitusyon na dapat maaksyunan ito ng pangulo.
Kung walang magiging aksyon ang pangulo sa panukalang batas , otomatiko itong magiging ganap na batas matapos ang tatlumpung araw mula ng matanggap ito ng palasyo.
Sa ilalim ng Bicameral bill mula sa Senate Bill 2239 at House Bill 9007, ibababa ang edad maaaring maka-access o makagamit ng e-cigarettes at vaping products mula 21 sa 18 years old.
Magkakaroon na rin ng regulasyon sa importasyon, paggawa, pagbebenta, packaging, distribusyon at paggamit ng naturang mga produkto.
Ibinigay na rin sa Department of Trade and Industry (DTI) ang otoridad para iregulate ito mula sa Food and Drug Administration (FDA).
Naging kontrobersyal ang vape bill dahil mariing tinututulan ng mga health advocate at mismong ng Department of Health ang pagpapasa nito dahil naniniwala sila na makakasama ito sa kalusugan lalo na ng mga kabataan.
Naniniwala naman si Senator Juan Edgardo Angara na maaaring ikinonsidera ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Junior ang maraming mga mambabatas na sumusuporta sa panukala.
Nagpahayag naman ng pagkadismaya si Senator Pia Cayetano sa pagsasabatas ng vape bill na ayon sa kaniya na hindi magbibigay ng hustisya ng milyon-milyong buhay na mapapasanganib dahil sa naturang batas.
Sa ngayon ay wala pang inilalabas na pahayag ang Malakanyang ukol sa dahilan ng pag-lapse into law ng Vape Bill.
(Nel Maribojoc | UNTV News)
Tags: Vape