Vape, bawal na sa ilang pampublikong lugar sa Quezon City

by Radyo La Verdad | March 25, 2019 (Monday) | 3061

METRO MANILA, Philippines – Patuloy ang popularidad ng vape sa mga Pilipino partikular sa mga kabataan. Ito ay sa kabila ng pagsusulong ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa pagkakaroon ng regulasyon o batas sa paggamit nito.

Upang mapangalagaan ang kalusugan at kapakanan ng mga residente, inaprubahan at ipinatutupad na ang ordinasa kaugnay sa paggamit ng e-cigarettes sa mga pampublikong lugar sa Quezon City.

Nakasaad sa Quezon City ordinance number 2737-2018 na ipinagbabawal na ang paggamit ng vape sa mga pampublikong sasakyan, ospital at healthcare centers, government offices, educational at recreational facilities para sa mga menor de edad, at mga bahay sambahan.

Maaari naman itong gamitin sa mga saradong lugar o enclosed facilities kung may makikitang karatula kaugnay sa pagpapahintulot sa paggamit nito bagaman hindi ito maaraming isama sa mga gumagamit ng tobacco.

Maaari rin magtalaga ang mga pribadong kumpaniya o lugar ng sarado o bukas na area para sa paggamit ng vape.

Gayunman, ipinagbabawal ang pag-aadvertise at pagtitinda ng e-cigarretes sa mga menor de edad.

Ang sinumang lalabag sa ordinansang ito ay pagmumultahin ng mula limang daan hanggang isang libong piso para sa unang paglabag.

P1,000 hanggang P2,500 sa second offense. At ang sa lalabag sa ikatlong pagkakataon ay maaaring magmulta ng P2,500 hanggang P5,000.

Maaari ring makansela ang permit to operate ng mga establisiyimento at negosyong lalabag dito.

Pabor naman ang ilang mamamayan sa ordinansang ito partikular ang public commuters at mga jeepney drivers sa lungsod.

Madalas na ginagawang alternatibo sa sigarilyo ang paggamit ng vape sa paniniwalang makatutulong ito upang tuluyang maka-iwas sa naturang bisyo.

Ngunit ayon sa website ng Department of Health, hindi pa napapatunayan na epektibo itong nicotine replacement therapy batay na rin sa pananaliksik ng food and drug administration.

Maging ang World Health Oganization ay nagpahayag ng walang sayantipikong ebidensiya upang matiyak na ligtas at epektibo ang paggamit ng electric cigarette.

(Asher Cadapan | UNTV News)

Tags: , ,