Value-added tax (VAT), ipinanukalang ibaba sa 10% dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin

by Radyo La Verdad | June 14, 2018 (Thursday) | 11418

Nakabinbin pa rin sa pagtalakay ng Senate Committee on Ways and Means ang panukalang babaan ang value added tax na ipinapataw sa mga produkto o serbisyo maging sa mga inaangkat sa ibang bansa.

Batay sa panukala ni Senator Risa Hontiveros, dapat ibaba ang tax rate sa 10 percent mula sa 12 percent at posible pa itong maibaba pa hanggang sa 8 percent.

Naniniwala ang senador na napapanahon ang pagpapasa nito upang magsilbing pambalanse sa tumataas na inflation rate.

Noong Mayo, pumalo na sa 4.6 percent ang inflation rate ng bansa.

Itinuturo ng mga kritiko ng administrasyon ang implementasyon ng Tax Reform law na dahilan kaya nagtataasan ang presyo ng mga pangunahing bilihin.

Una na ring sinabi ng Department of Finance na bukas ito sa pagbawas sa VAT rate ngunit kinakailangan munang tanggalin ang mga VAT exemptions.

Para naman kay Senator Juan Miguel Zubiri, sa halip na pakialaman pa ang sistema ng pagbubuwis, dapat makaisip rin ng ibang paraan ang pamahalaan para sa nga apektadong sektor sa pagtaas ng inflation rate.

                      

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

Tags: , ,