METRO MANILA – Sisimulan na sa susunod na buwan ng Department of Science and Technology (DOST) ang clinical trial para sa mix and match ng COVID-19 vaccines pati na ang booster shot ng bakuna.
Uumpisahan ang proseso ng registration sa mga participant sa katapusan ng Hunyo.
Tiniyak naman ni DOST Under Secretary Rowena Guevarra na hindi ito magiging sanhi ng kakulangan sa suplay ng bakuna dahil masusunod parin ang prioritization group ng vaccination program.
“Yung po namang gagawan natin ng study ay sila din naman po yung priority dito sa ating vaccination program, A1 hanggang A4 so hindi po mababawasan yung supply kase sila naman talaga ay kasama sa babakunahan”ani DOST Under Secretary Rowena Guevarra.
Labing dalawang (12) eksperimento ang isasagawa at kada yugto ay mayroong tig-250 participants.
Sa ilalim ng mix and match ng bakuna, susubukan na iturok ang magkaibang brand ng bakuna.
Halimbawa nito,ang first dose ay maaring gawing Sinovac habang ang second dose naman ay Astrazeneca, gayundin sa iba pang brand ng mga bakuna.
Susubukan rin ang clinical trial ng booster shot, kung saan ibang brand ng COVID-19 vaccine ang ituturok na booster.
Halimabawa naman nito, ay kung Sputnik ang ibinigay na first at second dose, ituturok naman ang ibang brand para sa booster shot.
“Yung huling limang experiment ang tawag ng iba ay booster, dito naman gagawin natin na Sinovac yung first at second dose mo tapos magkakaroon ka ng third dose na either Astrazeneca, Sputnik V Adeno 5, Sputnik V Adeno 26, Pfizer at saka Moderna.” ani DOST Under Secretary Rowena Guevarra.
Base sa magiging resulta ng pag-aaaral, dito malalaman kung makapagbibigay ito ng mas mataas na proteksyon sa mga nabakunahan na laban sa COVID-19.
Ayon pa sa opisyal, mahalaga ang gagawing clinical trial para matukoy kung aling kumbinasyon ng mga bakuna ang makapagbibigay ng mas mataas na efficacy rate.
Malalaman din aniya dito kung epektibo ang mix and match sa mga Pilipino.
Samantala nilinaw din ng DOST,na wala pang pediatric vaccination sa bansa kaya hindi kabilang sa gagawing pag-aaral ang mga edad 17 pababa.
(Marvin Calas | UNTV News)
Tags: Covid-19 Vaccines, Mix and Match