METRO MANILA – Nilinaw ng Malacanang na hindi pa required ang pagpapabakuna kontra COVID-19 sa ngayon subalit, umaasa ang Duterte administration na hindi na kinakailangang gumamit ng pwersa upang hikayatin ang maraming mamamayan na magpabakuna na.
Kasunod ito ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan na ipa-aaresto ang mga kontra at ayaw magpabakuna.
Giit ng palasyo, may legal na batayan na gawing compulsary ang vaccination sa bansa.
“Gaya nga po ng desisyon ng Philippine Supreme Court at ng US Supreme Court and I quote again, “The rights of an individual in respect of his liberty may at times under pressure of great dangers be subjected to such restraint to be enforced by reasonable regulations as the safety of the general public may demand.” Alam mo ‘pag sinabing police power, talagang mayroon pong karapatang nalalabag; pero nilalabag iyong karapatan na iyon para sa mas malawakang interes at ito nga po iyong public health and public safety.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.
Upang maging compulsory naman ang vaccination, dapat makapagpasa ng batas o ordinansa ang mga lokal na pamahalaan.
Depende naman ito sa magiging sitwasyon oras na dumating ang bulto ng suplay ng bakuna sa bansa.
“Pupuwede pong ma-compel, pupuwede pong ipatupad ang compulsory vaccination pero kinakailangan po may legal na basehan. So kinakailangan po natin either ng ordinansa or ng batas na magpapataw din ng parusa ‘no doon sa mga ayaw magpabakuna” ani ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.
Samantala, nakatakdang dumating sa Pilipinas ang mga excess vaccine o sobrang bakuna na galing sa Estados Unidos na bahagi ng 80 Million doses na pangako ni US President Joe Biden sa buong mundo sa Hulyo.
Ayon kay Philippine Ambassador to US Jose Manuel Romualdez, iba pa ito sa 500 Million doses na nakatakda ring ipamahagi ng US.
Bahagi ito ng commitment ng Amerika na makatulong sa suliranin ng global supply ng COVID-19 vaccines at isa ang Pilipinas sa priority recipient countries.
“Dun sa 80 million na yun, we are going to get close to 800 to one million na doses, either AstraZeneca or Moderna from their stock file.” Ani Philippine Ambassador to US Jose Manuel Romueldez.
Ang mga naturang bakuna ay bukod pa sa 20 Million doses na nai-secure nang bilhin ng Pilipinas mula sa Moderna at 40 Million doses ng pfizer vaccines ngayong taon na kapwa manufactured sa Estados Unidos.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: Compulsory, Covid-19 Vaccines, vaccination