VACC, nais mag-inhibit si CJ Sereno sa kaso ni dating Pangulong Aquino

by Radyo La Verdad | January 29, 2018 (Monday) | 2726

Pinag-iisipan na ng VACC na ipa-inhibit si Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa kanilang petisyon kaugnay ng kinakaharap na kaso ni dating Pangulong Benigno Aquino III.

Hawak ngayon ng 1st Division ng SC ang apela ng VACC sa desisyon ng Ombudsman na kasuhan lamang ng graft at usurpation of authority ang dating Pangulo kaugnay ng madugong engkwentro sa Mamasapano, kung saan nasawi ang 44 na tauhan ng PNP – Special Action Force.

Nangangamba ang grupo na hindi magiging patas si Sereno sa kanilang petisyon lalo’t isa sila sa naghain ng impeachment complaint laban dito.

Posible umanong maghain ng mosyon ang grupo ngayong linggo upang pormal na hilingin ang inhibition ni Sereno.

Sa kanilang petisyon sa SC, hinihiling ng VACC na itaas sa kasong reckless imprudence resulting in homicide ang kaso laban sa dating Pangulo.

Nais din nila na maglabas ng TRO ang Korte Suprema upang pigilin ang arraignment ni Aquino sa ikalabinlima ng Pebrero.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

Tags: , ,