Utos ni Pangulong Duterte na paglalagay ng mga tauhan ng militar sa BOC, pansamantala lang- Malacañang

by Radyo La Verdad | October 30, 2018 (Tuesday) | 2890

Inilagay ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa floating status. Kasabay nito, pinagrereport din silang lahat sa tanggapan ng punong ehekutibo sa Malacañang.

Inatasan din ng punong ehekutibo ang incoming customs commissioner na si Rey Leonardo Guerrero na italaga ang mga sundalo sa mga mababakanteng posisyon sa BOC.

Ayon sa Malacañang, panandalian lamang ang take over ng militar sa BOC hangga’t makatiyak na aniya ang administrasyong Duterte na wala nang mapapalusot sa BOC na iligal na droga at iba pang iligal na kontrabando.

Tiniyak din nito na hindi maaapektuhan ang operasyon ng naturang ahensya dahil sa pagkakaroon ng smooth transition sa pagitan ng mga tauhan ng militar at BOC, gayundin sa pagkakaroon ng kakayahang matuto ng mga sundalo.

Dinepensahan din ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang hakbang na ito ng Pangulo. Igiiniit nitong ang Pangulo ang may kapangyarihan o kontrol upang siguruhin na lahat ng batas sa bansa ay nasusunod.

Ngunit sa kabila nito, ang civilian rule o ang mga mamamayan ang mas may kapangyarihan kumpara sa Pangulo.

Ang paglalagay umano ng BOC sa pamamamahala ng AFP ay isang pansamantalang mekanismo lamang upang mapigilan ang malawakang pagpasok ng iligal na droga.

Bukod dito, retirado at sibilyan na rin umano ang dating general na si Rey Leonardo Guerrero na kasalukuyang inatasang mamuno sa kagawaran.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,