Utos ng DOE na pag-aangkat ng Euro 2 diesel, pinakakansela ng mga mambabatas

by Radyo La Verdad | August 31, 2018 (Friday) | 2113

Dinepensahan kahapon ng Department of Energy (DOE) sa Congressional Oversight Committee ang utos nito sa oil industy players na magsimula nang mag-angkat ng Euro 2 diesel. Mas mura umano ang Euro 2 kumpara sa kasalukuyang international standard na Euro 4.

Layon ng naturang pag-aangkat na matulungan ang mga jeepney drivers sa pagtataas ng presyo ng mga bilihin.

Reklamo ng mga nasa oil industry, kung ito ay magiging pansamantala lamang, kawawa umano sila sa malaking gagastusin dahil kinakailangan nilang magtayo ng panibagong istraktura.

Para sa ilang eksperto, ang paggamit ng Euro 2 diesel ay hindi lamang makakasira ng sasakyan na may Euro 4 engine kundi makakaapekto pa sa kalusugan ng tao.

Para sa ilang mambabatas, kailangang pag-aralan muli ito ng DOE lalo na ang nilalaman ng department order nito na tila mandatory na gawin mga oil player.

Ayon kay Senator Sherwin Gatchalian, inirekomenda ng Oversight Committee sa DOE na kanselahin ang naturang kautusan at hindi rin aniya maaaring ipilit itong ipatupad.

Handa namang ikonsidera ito ng DOE.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

Tags: , ,