Isang beses lamang naturukan ng Dengvaxia vaccine ang namatay na 20-anyos na utility worker ng Philippine National Police-General Hospital (PNPGH).
Ayon sa chief of clinics ng PNPGH, dumaan sa masusing eksaminasyon at proseso ang lahat ng tinutukan kabilang ang utility man.
Matapos ang injection sa utility man ay dumaing aniya ito ng pananakit ng muscle at lalamunan. Sa resulta ng x-ray ng pasyente ay nakitang mayroon pala itong pneumonia.
Sa target na labing apat na libo, 4445 lamang na PNP personnel ang naturukan ng Dengvaxia sa lahat ng Regional Health Service sa bansa matapos ipahinto ng PNP ang vaccination program.
Apat na daan at apat na pu’t apat ang galing sa Region I, 524 mula sa Region III at 539 mula sa Region IV. Aabot naman sa 1,319 na mga pulis ang naturukan sa NCRPO, 297 sa ARMM, 388 sa SAF, 12 sa Aviation Security Group (AVSEGROUP) at 934 sa PNPGH.
Sa 934, 61 ang nadala sa emergengy room matapos ang Dengvaxia vaccine at apat dito ang na-confine sa ospital, kung saan ang dalawa ay nagkaroon ng appendicitis at dinala sa ibang ospital. Isa ang nananatili pa rin sa PNPGH at ang isang ay ang namatay na utility man.
Kamakailan ay ipinag-utos ni PNP chief Director General Ronald Dela Rosa na imonitor ang mga naturukan ng Dengvaxia.
( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )
Tags: Dengvaxia, PNP, utility worker