UST Law Dean Nilo Divina, ipinadi-dismiss ang mga reklamo sa kanya kaugnay ng Atio Castillo hazing case

by Radyo La Verdad | October 30, 2017 (Monday) | 3466

Nagbigay na ng kontra-salaysay sa Department of Justice si UST College of Civil Law Dean Nilo Divina, bilang sagot sa pagdawit sa kanya sa pagkamatay ni Horacio Atio Castillo III.

Aniya, walang basehan upang makasuhan siya ng paglabag sa Anti-Hazing Law at obstruction of justice. Sa ilalim ng Anti-Hazing Law, pwedeng makasuhan si Divina kung hindi niya napigilan ang pananakit sa isang neophyte.

Ngunit paliwanag nito, hindi niya alam ang initiation rites kay Atio at nadiskubre na lamang aniya ito matapos ang insidente kayat wala siyang paraan upang ito ay mapigilan. Hindi umano niya nakumpirma kaagad ang pangalan ng biktima kayat hindi ito naiparating sa mga magulang ni Atio.

Agad din umanong pinaimbestigahan ni Divina ang insidente at sinuspende ang mga miyembro ng Aegis Juris. Gayunman, nilinaw ng kanyang abugado na hindi nito layon na pagtakpan ang insidente.

Ikinatutuwa rin umano ni Divina ang paglabas ni Marc Ventura, ang miyembro ng Aegis Juris na nagsiwalat sa ginawang hazing kay Atio. Ayon sa kanyang abogado, simula’t sapul pa ay nananawagan si Divina sa mga miyembro ng fraternity na makipagtulungan sa imbestigasyon sa kaso. Tiwala umano si Divina na kahit may iba pang lumabas na testigo ay magpapatunay din ito na wala siyang kinalaman sa nangyaring hazing.

Nagsumite na rin ng kani-kaniyang sagot ang iba pang opisyal ng UST at mga trustee ng Aegis Juris Foundation na idinadawit din sa reklamo. Itutuloy naman ng DOJ ang pagdinig sa November 9.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

Tags: , ,