UST law dean Nilo Divina, at 22 fratmen, sinampahan na rin ng reklamo sa DOJ

by Radyo La Verdad | October 10, 2017 (Tuesday) | 3557

Nadagdagan na ang mga respondent sa pagkamatay ni Horacio “Atio” Castillo III sa isang hazing incident.

Sa pagdinig kahapon sa DOJ, naghain ng karagdagang reklamo ang mga magulang ni Atio laban kina UST law dean Nilo Divina at dalawampu’t dalawa pang miyembro ng Aegis Juris Fraternity.

Kasama sa inireklamo ng murder at paglabag sa anti-hazing law ang mga trustee ng Aegis Foundation at ang may-ari ng building kung saan isinagawa ang hazing.

Alam na raw nina Divina ang gagawing initiation kay Atio ng mga kasamahan sa fraternity pero wala itong ginawa kahit magpadala man lang ng kinatawan mula sa UST.

Bumwelta naman si Atty. Lorna Kapunan sa libel cases na isinampa sa kanya ni Divina kung saan pinagbabayad siya ng 120-million pesos na danyos. Nag-ugat ang dalawang libel complaint sa pagsasapubliko ni Kapunan sa disbarment complaint laban sa law dean.

Iniharap naman ng Manila Police bilang mga testigo ang doktor at nurse na nag-asikaso kay Atio nang dalhin ito sa Chinese General Hospital. Isinumite rin ang mga kuha ng CCTV sa lugar kung saan isinagawa ang hazing.

Binigyan ng DOJ panel ng hanggang October 30 ang mga respondent upang sagutin ang lahat ng mga akusasyon laban sa kanila.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,