METRO MANILA – Sa kanyang ammended complaint na inihain sa Office of the Ombudsman kahapon (February 14), isinama na ni Dr. Clarito Cairo, Jr., Medical Officer ng Cancer Control Division Disease Prevention and Control Bureau ng DOH main office si Department of Health (DOH) Officer-In-Charge Maria Rosario Vergeire sa reklamong grave misconduct, paglabag sa anti-graft and corrupt practices act at malversation of public funds.
Bukod kay Vergeire, una nang inireklamo ni Dr. Cairo sina DOH Undersecretary Beverly Lorraine Ho, Former Director Anna Guerrero at 4 pang iba.
Inakusahan nito ang mga respondent na sangkot sa umano’y mismanagement ng mahigit P700M pondo para sa cancer patients.
Ayon kay Dr. Cairo, bilang OIC ng DOH, mayroong full control si Vergeire sa pondo sa tanggapan na kaniyang pingangungunahan.
Mula aniya sa P786M na pondo sa ilalim ng Cancer and Supportive-Palliative Medicines Access Program (CSPMAP) noong 2022 ay gumawa ng sub-allotment at ibinaba sa P781M na lamang.
At sa halip na 31 na access sites o hospital na may pondo para sa cancer patients, ay naging 20 na lamang.
Kaya, marami aniya ang mga pasyente na napilitang itigil ang kanilang pagpapagamot.
Ang ipinagtataka pa nito, siya aniya ang eksperto pagdating sa cancer medicines, inalis siya sa pangangasiwa para sa pagbili ng gamot.
Hiniling ni Dr. Cairo sa ombudsman na suspindihin ang mga respondent at maimbestigahan ang isyung ito.
Samantala, ayon naman kay DOH OIC Maria Rosario Vergeire, na wala pa silang natanggap na kopya ng reklamo. Pero, nakahanda silang sagutin ang mga akusasyon.
Tiniyak din ni Vergeire, na dumaan sa tamang proseso ang kanilang mga ginawa at isinangguni sa ibang mga ahensya.
(UNTV News | Dante Amento)
Tags: DOH