Usapin ng ‘Ilocos 6’, iniakyat na sa Korte Suprema

by Radyo La Verdad | July 14, 2017 (Friday) | 2986

Dumulog na sa Korte Suprema si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos kaugnay ng pagpapakulong ng kamara sa tinaguriang ‘Ilocos 6’.

Halos dalawang buwan nang nakakulong ang anim na empleyado ng Provincial Government matapos tumangging magsalita sa pagdinig ng kongreso.

Kaugnay ito ng imbestigasyon sa umano’y anomalya sa pagbili ng mga sasakyan gamit ang 66-million pesos na share ng probinsiya sa tobacco excise tax.

Ayon kay Marcos, nais niyang dumalo sa susunod na pagdinig sa July 25 pero marami ang nagsasabing iipitin lamang siya bukod pa sa bantang ipakukulong din siya ng House Committee.

Sa kanilang petisyon sa SC, hinihiling na palayain ang Ilocos 6 at patigilin ang pagdinig ng Kamara.

Humihingi rin ng proteksyon si Marcos mula sa korte dahil sa pagbabanta umano ni Cong. Rudy Farinas.

Muli ring sinabi ni Marcos na away-pulitika lamang ang dahilan ng lahat.

Dati niyang kapartido si farinas at kasama pa noon sa pamamahagi ng kinukwestyong mga bus, multicab at mini-truck.

Mismong anak at pamangkin ng kongresista na mga kapitan sa Laoag City, humingi rin ng mini-truck.

Pasado umano sa COA ang pagbili sa mahigit isandaang mini-truck at multicab.

Wala pang pahayag sa ngayon sa Farinas tungkol dito.

(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)

Tags: , ,