METRO MANILA – Hinikayat ni Agriculture Secretary Dr. William Dar ang publiko na subukan ang urban farming methods upang makatulong sa mga magsasaka at mangingisda na pataasin at panatilihin ang produksyon ng pagkain sa bansa kaakibat sa nagbabadyang global food crisis.
Unti-unti nang nararamdaman ang mga sintomas ng krisis mula sa pagtaas ng farm input prices tulad ng pagtriple sa halaga ng mga fertilizer at pagdoble ng ibang poultry feed.
Pinaliwanag naman ni Sec. Dar na sapat pa sa ngayon ang suplay ng bigas, mga gulay, at isda, ngunit nararapat na pagtuunan ng pansin ng susunod na administrasyon ang hindi maiiwasang kakulangan sa food resources, sanhi ng pandemya at tensyon sa pagitan ng bansang Ukraine at Russia.
Dahil ang 2 bansang ito ang mga nangunguna sa pagtustos ng pagkain, energy, at fertilizer sa buong mundo, tinatansiyang 107 na ekonomiya ang maaapektuhan, kung saan 38 dito ay nasa Asia Pacific.
Dagdag pa ni Dar, kinakailangan ng susunod na administrasyon ng masinsinang pag-adopt at pagpapalakas sa National Agriculture And Fisheries Modernization And Industrialization (NAFMIP) na maaaring gawing isang mega-industry sa agrikultura ang bansang Pilipinas.
Inaasahang aabot sa mahigit 1.7-B indibidwal sa global setting, karamihan ay galing sa umuusbong na ekonomiya, ang maaapektuhan nang matindi sa “food insecurity, energy process, at debt burdens,” ayon sa United Nations (UN) task team for the global crisis response group.
(Ritz Barredo | La Verdad Correspondent)
Tags: Urban Gardening