UP-DND Accord, hindi na umano napapanahon kaya tinapos na ng DND

by Erika Endraca | January 20, 2021 (Wednesday) | 8386

METRO MANILA – Ginagawang “safe haven” o kanlungan umano ng mga kalaban ng estado ang University of the Philippines.

Ito ang dahilan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana kaya tinapos na niya ang UP-DND Accord.

Sinabi pa ng kalihim na nagagamit din itong breeding ground ng mga indibidwal at grupo na mayroong radical na paniniwala upang makahikayat ng mga mag aaral para lumaban sa pamahalaan.

Nagiging hadlang din ito sa pagnanais ng administrasyon na bigyang proteksyon ang mga estudyante sa patuloy na recruitment ng NPA.

Sa inilabas na pahayag ng kalihim, tinawag din nitong “obsolete” o hindi na napapanahon ang kasunduan na nilagdaan noong 1989.

Ngunit ayon kay UP Presidente Danilo Conception, hindi sila nakonsulta sa naging desisyon ng DND.

Nangangamba rin siyang baka lalong magdulot ito ng lamat sa ugnayan at relasyon ng dalawang institusyon.

Nababahala rin ito na magkaroon ng chilling effect sa mga estudyante ang hakbang.

Kaya naman nakiki-usap si Concepcion na muling pag-aralan at irekonsidera ang kasunduan
sa ngalan kapayapaan at hustisya.

Binanggit ni Sec. Lorenzana sa kanyang liham na walang dapat na ikatakot ang UP system dahil hindi naman sila maglalagay ng sundalo sa loob ng campus.

Ang PNP, sinabing dadaan sa tamang koordinasyon sakaling kailangang pumasok ng mga pulis sa loob bilang bahagi ito ng government property.

Sa inilabas na pahayag ni Philippine National Police Chief PGen. Debold Sinas, sinabi nitong nais din nilang protektahan ang mga paaralan sa kriminalidad, droga at organisasyon na humihikayat sa mga mag aaral na lumaban sa pamahalaan.

Ang UP – DND Accord ay inilunsad noon pang June 1989 sa panahon ni Pang. Corazon Aquino.

Mas kilala ito bilang Soto- Enrile Accord na nilagdaan noon ng student leader na si Sonia Soto at noon ay Defense Minister Juan Ponce Enrile kasunod ng mga insidente ng pagkawala ng mga estudyanteng aktibista sa UP campuses noong panahon ng martial law.

(Lea Ylagan | UNTV News)

Tags: