UNTV Volleyball League, nagbabalik-aksyon sa pagpasok ng 2nd season

by Radyo La Verdad | March 14, 2024 (Thursday) | 2841

METRO MANILA – Nagbabalik aksyon sa volleyball court ang 8 na ahensya ng gobyerno upang makipagtagisan sa UNTV Volleyball League (UVL) Season 2.

Sa opening ceremony ng liga sa Rizal Memorial Stadium noong March 10, 2024, ipinakilala ang 8 teams na pinangunahan ng defending champion AFP Lady Gunnar, Senate Lady Defenders, PNP Lady Patrollers, Judiciary Justice Servers, at DFA Emissaries kabilang ang 3 rookie teams ang COMELEC Suffragettes, BFP Lady Firefighters, at SSS Pension Protectors. Lahat ng teams ay ginawaran ng Plaque of Participation nina BMPI President & CEO Kuya Daniel Razon at UVL Commissioner Ronnie Magsanoc.

Kumpara noong nakaraang season, nag-aabang sa mga koponan ngayong season ang tumataginting na mahigit ₱2.1-M na total cash prize na ipamamahagi sa mga koponang kasali kabilang ang ₱1-M na mapupunta sa benepisyaryong napili ng tatanghaling kampeon, ₱500,000 naman sa 1st Runner-up, ₱300,000 para sa 2nd Runner-up, ₱150,000 ang makukuha ng 3rd Runner-up, at ₱50,000 naman sa mga koponang pupuwesto sa 5th to 8th place.

Lubos ang pasasalamat ng UVL management sa mga koponang kasali na naging dahilan upang maipagpatuloy ang liga at suportahan ang adbokasiya nito na sa pamamagitan ng mga lingkod-bayan ay makatulong nang higit sa mga kapwa-tao na nangangailangan.

Matapos nito ay nagpasimula kaagad ang season opening game sa pagitan ng defending champion AFP Lady Gunnar at PNP Lady Patrollers kung saan sa kabila ng 3-2 bounce back victory ng AFP (Set points 18-25, 28-30, 25-17, 25-17, 15-11) ay nakatikim ng unang talo ang koponan nang i-anunsiyo ng UVL management noong March 13 ang forfeiture order sa laro kung saan nalabag ng AFP ang panuntunan ng torneyo dahilan upang ilipat sa PNP ang panalo.

Pagsabak ng Senate Lady Defenders at Judiciary Justice Servers sa second match ay hindi pa rin kumupas ang kalibre ng Senado sa ilalim ni former Philippine team Coach Roger Gorayeb nang tapusin sa tatlong magkasunod na set ang Judiciary na may set points na 26-24, 25-22, 26-24.

(Judren Soriano | La Verdad Correspondent)

Tags: ,