Dinayo ng Philippine Navy ang Barangay Manalipa sa Zamboanga City noong Sabado para sa isang misyon. Ngunit hindi para makipaglaban, kundi upang magbigay ng serbisyo publiko sa nasa dalawang libong residente ng Island Barangay.
Kasama ng Philippine Navy ang iba’t-ibang grupo at gayundin ang mga volunteers mula sa UNTV na nagbigay ng kanilang assistance para sa All in One Public Service Activity.
Kabilang sa mga serbisyong ipinagkaloob sa mga residente ay libreng medical consultation, bunot ng ngipin, tuli, gupit at namigay din ng libreng salamin at mga gamot.
Namigay din ng canned goods at school supplies sa mga residente. Tinuruan din ang mga ito kung paano gumawa ng fish ball upang magkaroon sila ng mapagkakakitaan.
Lubos naman ang pasasalamat ng mga residente sa tulong na kanilang natanggap dahil bihira lamang silang marating ng mga ganitong uri ng misyon.
Umaabot sa mahigit isang libong residente ang nabigyan ng serbisyo ng navy kasama ng kanilang mga Partner in Public Service.
Ayon kay Naval Forces Western Mindanao (NAVFORWM) Commander Rear Admiral Rene Medina, plano nilang muling bumalik sa lugar para sa isang panibagong public services.
Bukod aniya sa pagbibigay ng libreng serbisyo, layon ng programa na mailapit sa mga residente ang mga sundalo.
Sa kasalukuyan ay walang suplay ng kuryente sa lugar at wala ring maayos na napagkukunan ng inuming tubig.
Kaya umaasa ang mga residente na sa susunod ay mabigyan sila ng generator sets at mga water pump.
( Dante Amento / UNTV Correspondent )
Tags: Philippine Navy, UNTV, Zamboanga city