Unti-unting pagluluwag sa paggamit ng Face shield sa mga pampublikong lugar, irerekomenda ng DILG sa IATF

by Radyo La Verdad | November 5, 2021 (Friday) | 4432

METRO MANILA – Nais ng Department of the Interior ang Local Government (DILG) na huwag nang obligahin ang pagsusuot ng face shield sa mga pampublikong lugar.

Kasabay ito ng pagtaas ng vaccination rate at pagbaba ng COVID-19 cases sa Metro Manila.

Sa kasalukuyan, obligado pa rin ang paggamit nito sa closed spaces, crowded areas at close-contact settings kasama ang mga pampublikong transportasyon.

“So, kami po sa DILG, we will recommend to the IATF na dahan-dahan na nating tanggalin yung face shield as a requirement except, of course, in hospital settings. Kung kayo po ay nasa ospital since high risk environment iyan, sa tingin po namin sa dilg required pa rin, kailangan ang paggamit ng face shield.” ani DILG Usec. Jonathan Malaya.

Nauna na ring sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na pinag-iisipan na ng Interagency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ang pag-aalis sa paggamit ng face shield.

Ngunit ayon kay Doctor Tony Leachon, dating adviser ng National Task Force on COVID-19, base sa mga pag-aaral, nakatutulong ito na mabawasan ang transmission ng virus.

“I believe in the principle na magfe-face shield ako, let’s say sa hospital, enclosed spaces. Pero sa labas, hindi. Klaro sa akin yan. Ngayon, kung napapunta ako sa isang lugar, kunyari nag-mall ka at maraming tao na nandoon at kumakain, then dala mo yung face shield mo para optional.” ani NTF vs COVID-19 Former Adviser, Dr. Tony Leachon.

Karamihan naman sa mga nakapanayam nating mga kababayan na gumagamit ng mga pampublikong sasakyan ay pabor rin sa pagbuwag ng naturang polisiya.

Upang mas mapalakas ang pag-iwas sa virus, isinusulong naman ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang maayos na bentilasyon sa mga airconditioned na pampublikong transportasyon.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: , ,