Unang PHL-US military drill sa ilalim ng Duterte Admin, isasagawa sa Mayo

by Radyo La Verdad | April 27, 2017 (Thursday) | 6546


Sisimulan na sa Mayo a-otso ang ika-tatlumpu’t tatlong balikatan exercises sa bansa.

Ito ang unang military exercises ng mga sundalong Pilipino at Amerikano sa ilalim ng Duterte Administration.

Ayon sa AFP, may ilang pagbabagong ipinatupad sa taunang aktibidad.

Kabilang sa mga isasagawang aktibidad ng militar ngayong taon ay ang urban search and rescue, disaster preparedness training at iba pa.

Layon nitong ihanda ang mga sundalo sa pagtulong sa panahon ng pangangailangan tulad ng lindol at anumang uri ng kalamidad.

Wala ring mangyayaring live fire exercise gaya ng isinasagawa noong mga nakalipas na taon.

Ayon kay Major Celeste Frank Sayson, ang mga pagbabago ay alinsunod sa kagustuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Matatandaang inanunsyo ng pangulo noong isang taon na nais nitong itigil ang joint military exercises ngunit sa huli ay ibinigay rin ang pahintulot na ipagpatuloy ito.

(Leslie Longboen)

Tags: , ,