Bagaman wala pang opisyal na petsa kung kailan magtutungo sa Malaysia, inumpisahan na ng Malakanyang ang pagproseso sa posibleng kauna-unahang pagbiyahe ni Pangulong Rodrigo Duterte sa labas ng bansa.
Una nang binanggit ni Pangulong Duterte na mas nais nitong manatili sa loob ng bansa kaysa magbiyahe subalit kinalakailangan paring bumisita ang pangulo sa ibang nasyon, bilang bahagi ng pagpapaigting sa ugnayang panlabas ng Pilipinas.
Mula August 23 hanggang 30, posible ring bisitahin ni Pangulong Duterte ang iba pang Southeast Asian Nations tulad ng Brunei, Indonesia at Singapore bago magtungo sa Laos sa September 6.
Ang Pilipinas ang hahaling host country sa Laos para sa Association of Southeast Asian Natios Summit sa susunod na taon.
Ayon sa Malakanyang wala pang pinal na desisyon ang Pangulong Duterte hinggil dito.
Una nang ipinarating ni Presidential Adviser on the Peace Process Sec. Jess Dureza ang welcome message ni Malaysian Prime Minister Datuk Seri Najib Razak sakaling matuloy ang planong pagbisita ni Pangulong Duterte sa Malaysia.
Ang pamahalaan ng Malaysia ang nagsisilbing facilitator sa usapang pangkapayapaan ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front o MILF.
Partner din ng Pilipinas ang Malaysia at ang Indonesia sa pagpapanatili ng seguridad at paglabanan sa terorismo at kriminalidad sa timugang bahagi ng bansa.
(Rosalie Coz/UNTV Radio)