Unang kaso ng Zika virus sa pamamagitan ng sexual transmission, naitala sa Amerika

by Radyo La Verdad | February 4, 2016 (Thursday) | 1509

ZIKA
Kinumpirma ngayon ng US Center for Disease Control na isang kaso ng Zika virus ang naitala sa Dallas,Texas dahil sa sexual intercourse

Ayon sa CDC ito ang unang kaso ng Zika virus infection sa Amerika dahilsa sex.

Batay sa report, sinasabing may travel history ang partner nito sa Venezuela, isa sa mga bansang apektado ng Zika virus.

Patuloy naman ang ginagawang pagaaral ng mga eksperto sa naturang kaso upang matukoy kung paano na kakahawa ang virus.

Samantala, nagbabala naman ang World Health Organization o WHO na posibleng kumalat na rin sa Asia at Africa ang pagkakaroon ng birth defects dahil sa mosquito borne Zika virus.

Ayon sa WHO, ito ay sa dahilang may pinakamataas ang dalawang kontinente ng birthrates sa buong mundo.

Sa ngayon ay kulang pa ang mga isinasagawang diagnostic test upang madetect ang Zika sa mga buntis, marami ring mga buntis na na- exposed sa virus ang hindi pa nada-diagnose hanggang sa ngayon.

Kaugnay nito, kumpiyansa naman ang Department of Health na sakali mang makapasok sa bansa ang pinangangambahang virus, ay hindi ito magiging katulad ng sitwasyon sa Brazil kung saan naitala ang pinaka mataas na Zika virus infection.

Sa huling tala ng Brazilian Health Ministry, nasa mahigit apat na libong kaso na ng microcephaly na ini-uugnay sa Zika virus ang naitala sa naturang bansa.

Sa kasalukuyan ay nagpapatupad na ng mahigpit na screening , ang Bureau of Quarantine sa lahat ng mga entry point upang mapigilan na makapasok ang Zika virus sa Pilipinas.

Isa ang Cebu sa nagpapatupad na ng mahigpit na screening sa mga paliparan upang masuri ang bawat turista partikular na ang mga nagmumula sa South at Latin America.

Ngunit nilinaw na mga ito na di tulad ng merscov,hindi kinakailangang i-quarantine ang isang taong apektado nito.

(Joan Nano/UNTV News)

Tags: ,