Isang 52-anyos na lalaki ang nag-positibo sa sakit na Japanese Encephalitis.
Ito ang unang napaulat na kaso sa Davao City kaya naalarma ang City Health Office.
Bagaman nakalabas na ng ospital ang lalaki, nakararanas naman ito ng neurologic deficit o panginginig at pagka-paralisa ng katawan.
Ang Japanese Encephalitis ay isang uri ng sakit na nakukuha mula sa kagat ng lamok na Culex na carrier ng virus.
Kalimitan itong namumugad sa mga hardin o maruming tubig.
Ayon sa City Health Office, mahirap tukuyin kung alin ang Culex mosquito dahil wala itong physical distinguishing features kumpara sa white-striped aedes aegypti mosquito na carrier naman ng dengue virus.
Kabilang sa mga sintomas nito ang mataas na lagnat, pananakit ng ulo, panginginig at immobility na maaaring humantong sa kamatayan kapag hindi naagapan.
Wala pang gamot ang sakit na ito kaya panawagan ng health office sa publiko na maging maingat at ugaliing maglinis ng kapaligiran upang makaiwas sa mga sakit.
(Janice Ingente / UNTV Correspondent)