Unang batch ng OFW na nasa Philippine Embassy shelter sa Kuwait, nakabalik na sa bansa

by Radyo La Verdad | May 7, 2018 (Monday) | 4226

Balik-Pilipinas na noong Sabado ng gabi ang limampu’t siyam na overseas Filipino workers (OFW) mula sa Kuwait.

Ang mga ito ang unang batch na-repatriate sa walong daan na OFW na nananatili sa Philippine Embassy shelter sa naturang bansa.

Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Alan Peter Cayetano, isang magandang gesture mula sa Kuwaiti government ang pagbibigay ng amnestiya sa mga ito sa kabila ng naranasang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa kamakailan.

Sa ngayon ay inaayos na umano ng pamahalaan na mapauwi na rin ang nalalabi pang mga Pilipino na nananatili sa embassy shelter sa Kuwait.

Samantala, sinabi naman ni Sec. Cayetano na patuloy ang kanilang pag-uusap ng kaniyang mga counterpart upang maayos ang diplomatic row sa pagitan ng dalawang bansa.

Bagamat tumanggi nang magbigay ng detalye sa ginagawang pag-uusap upang maiwasan na umano ang miscommunication, sinabi naman ng kalihim na unti-unti na itong nagkakalinaw at positibo aniya ang direksyon nito.

Samantala, hanggang ngayon ay wala pa rin aniyang napipili na kapalit ni Ambassador Renato Villa, ngunit maaayos naman umanong nagagampanan ng naiwang consul-general sa Kuwait ang mga trabahong dapat na magawa.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,