Unang batch ng mga fuel voucher, ipinamahagi na ngayong araw

by Radyo La Verdad | July 17, 2018 (Tuesday) | 4660

Sinimulan nang ipamahagi ng Department of Transportation (DOTr) ang unang batch ng mga fuel voucher para sa mga jeepney operator.

Ang Land Bank ang naatasan na mag-asikaso ng mga debit card na ibibigay sa mga Pantawid Pasada beneficiary. Bawat card ay naglalaman ng five thousand pesos na magagamit lamang na pang karga ng diesel para sa jeep. Kailangan lang ma-iswipe ang card sa accredited gasoline station upang magamit ang five thousand pesos.

Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), nasa sampung libong mga jeepney operator ang mabibigyan ng fuel voucher. Subalit kahit makuha na ang Pantawid Pasada card, mukhang hindi pa ito magagamit sa lahat ng lugar sa bansa.

Ayon sa Department of Energy (DOE) , nasa proseso pa lamang ang ibang gasoline station upang tumanggap ng mga Pantawid Pasada card.

Mayroong nasa mahigit walong libong gasoline station sa buong bansa at hindi pa lahat ay may kakayanang tumanggap ng debit card.

Para sa ang mga apelyido ay nagsisimula sa A hanggang letter M, ngayong ika-17 ng Hulyo makukuha ang kanilang fuel voucher, habang ang may mga apelyido na nagsisimula sa letter N hanggang Z ay sa ika-18 ng Hulyo naman ibibigay.

Magdala ng isang valid ID, isang photocopy ng valid ID, isang ID picture at proof of franchise upang malaman ang kumpletong listahan ng mabibigyan ng fuel voucher.

Samantala, maaari namang bisitahin ang LTFRB website at social media account ng ahensya.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,