UN Human Rights Commission, iimbitahan ni Pangulong Duterte na maglagay ng satellite office sa Pilipinas

by Radyo La Verdad | September 19, 2017 (Tuesday) | 2586

Walang plano si Pangulong Rodrigo Duterte na buwagin ang Commission on Human Rights, ito ang nilinaw ng punong ehekutibo sa pagbisita nito burol ni SPO1 Junior Hilario kagabi. Si Hilario ang pulis na nasawi sa isang drug operation ng mga pulis noong September 8.

Ginawa ng Pangulo ang pahayag kasunod ng sunod-sunod niyang pagbatikos sa CHR, gayundin ang pagbibigay ng KAMARA ng isang libong piso lamang na pondo sa komisyon. Kasabay nito ay inimbitahan din ng Pangulo ang United Nations na magtayo ng satellite office sa bansa at sumama sa mga anti-drug operation sa Philippine National Police.

Ngunit muli ring inulit ni Pangulong Duterte na kung hindi talaga ibibigay sa CHR ang hiling ng mga ito na pondo, ibibili na lamang ng body cam para sa mga pulis ang tatapyasing pondo ng CHR para umano ito sa transparency ng mga operasyon.

Samantala, sinabi naman ni Pangulong Duterte na hindi holiday ang September 21 ngunit tinawag ito na day of protest nang linawin sa Pangulo kung walang pasok sa paaralan at sa trabaho sa day of protest, positibo ang naging sagot ng Pangulo.

Una ng nagpahiwatig ang ilang grupo na magsasagawa ito ng malawakang kilos protesta bilang paggunita sa anibersaryo ng deklarasyon ng martial law ni Dating Pangulong Ferdinand Marcos.

 

(Mirasol Abogadil / UNTV Correspondent)

Tags: , ,