Umiiral na provisional fare rollback sa mga jeep at taxi, plano nang gawing permanente ng LTFRB

by Radyo La Verdad | August 11, 2015 (Tuesday) | 1396

PNTOA
Walong linggo nang tuloy- tuloy ang pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo.

Bunsod nito, pinag-aaralan na ngayon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na aprubahan ang petisyon ng mga commuter na gawin ng permanente ang mababang singil sa pasahe sa mga jeep at taxi.

Sa kasalukuyan ay P7.50 ang minimum fare sa jeep habang P30 naman ang flagdown rate sa taxi.

Ayon sa LTFRB, bukod sa mababang halaga ng petrolyo, maraming bagay rin ang isasa alang-alang nila sa paglalabas ng desisyon.

Subalit ang mga taxi at jeepney operator, humihirit naman ng dagdag pasahe.

Ang Philippine National Taxi Operators Association o PNTOA, humihiling sa LTFRB na dagdagan ng P5 ang kasalukuyang P3.50 nabayad sa waiting time ng mga taxi

Sa matinding traffic pa lamang daw ay balewala ang mga rollback at nalulugi ang mga taxi operator

Sa susunod na linggo ay magpupulong ang LTFRB upang agad na makapaglabas ng desisyon sa mga naturang petisyon

Samantala, hanggang August 20 na lamang ang pagpapa rehistro para sa mga app based transportation company gaya ng uber at grab car

Matapos nito ay uumpisahan na ng LTFRB ang panghuhuli sa mga kolorum na operator

Hinihikayat ang mga operator ng mga app based transport service na kumuha ng prangkisa sa LTFRB

Dalawang daang libong piso ang multa sa sinomang mahuhuli na hindi rehistradong operator

Sa ngayon ay grab car pa lamang ang legal na makakapag operate sa bansa habang ang uber at ibang app based transportation company ay maituturing na colorum.( Mon Jocson/ UNTV News)

Tags: