Umiiral na alert level system sa bansa, ‘di muna babaguhin

by Radyo La Verdad | July 20, 2022 (Wednesday) | 6866

METRO MANILA – Nagdesisyon na si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Junior na huwag munang baguhin ang umiiral na COVID-19 alert level system sa bansa.

Ito ay upang maiwasan ang anumang kalituhan.

Ayon sa pangulo may pagnanais siya na ire-classify, o palitan ang umiiral na restrictions na akma sa kasalukuyang sitwasyon.

Maaaring mabago at mas mapabuti pa ang alert level system kung magpapa-booster shot ang maraming Pilipino, dagdag ng pangulo.

Sinabi naman ni DOH-OIC Maria Rosario Vergeire, na ang kalagitnaan ng Agosto ang mainam na panahon para luwagan ang mga klasipikasyon, dahil makapagbibigay ito ng panahon para sa medical community na mas matugunan ang COVID-19 situation. 

Sa ngayon ay nakararanas ng bahagyang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa, dahil sa Omicron BA.5 subvariant.

Kung luluwagan ang ipinatutupad na minimum public health standards, maaari pang lalong dumami ang kaso, ayon kay DOH OIC Vergeire.

Tags: ,