Simula sa June 3 matatanggap na ng mga minimum wage earner sa Metro Manila at Western Visayas Region ang inaprubahang dagdag sahod. Ibig sabihin mula sa dating 537 pesos na sinusweldo kada araw ng mga mangagawa, magiging 570 pesos na ito. Habang nasa 55 hanggang 110 pesos na naman ang inaasahang madaragdag sa sahod ng mga mangagawa sa Western Visayas Region.
“Ang wage order ng region 6 mga June 3 po magiging effective iyan. We will check if the wage order in region 6 will be published tomorrow. Kung makasabay sila ng ncr, June 3 din po ay effective na ang bagong wage order sa mga rehiyon na ‘yan,” pahayag ni Dir. Rolly Francia, Information and Publication Service, DOLE.
Samantala inaprubahan na rin ng wage boards ang hiling na umento sa sahod ng mga mangagawa sa Ilocos, Cagayan Valley at Caraga Regions.
Sa Ilocos Region, kung dati ay nasa 282 hanggang 340 pesos lamang ang sweldo ng minimum wage earners. Ngayon magiging 372 hanggang 400 pesos na ang matatanggap nilang sweldo kada araw. Habang ang dating 345 hanggang 370 pesos na minimum wage sa Cagayan Valley ay itataas na sa 400 hanggang 420 pesos.
Maging ang mga mangagawa sa Caraga Region makatatanggap ng nasa 45 pesos na dagdag sahod.
Umaasa naman ang DOLE na agad ring magiging epektibo ang dagdag sahod sa mga nasabing rehiyon.
Samantala, ayon sa DOLE, patuloy naman ang deliberasyon ng wage board sa Region 5 para sa hirit na dagdag sahod ng mga mangagawa sa Bicol.
Habang mayroon na ring draft ng bagong wage order ang Region 12, at hinihintay na lamang ang pinal na kopya ng desisyon.
Aileen Cerrudo | UNTV News
Tags: dagdag sweldo, DOLE