Bilang anak ng isang guro, alam umano ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paghihirap ng mga public school teachers sa bansa.
Kaya naman pangako ng pangulo sa mga ito ang umento sa kanilang mga sahod kasunod ng sa mga uniformed personnel sa bansa.
Ginawa ng pangulo ang pahayag sa kanyang speech sa ginanap na 37th Principals Training and Development Program and National Board Conference sa Davao City noong Biyernes.
Ngunit ayon sa pangulo, hindi pa aniya kaya ng pondo ng bansa na doblehin ang sweldo ng mga guro, tulad ng ibinigay sa mga pulis at sundalo.
Sa isang pahayag naman na inilabas ng ACT Teachers Partylist, sinabi ng mga ito na dapat ay hindi matapos lamang sa mga pangako ang pahayag ng pangulo kaugnay ng umento sa sahod ng guro.
Dapat anilang magbigay ng marching orders si Pangulong Duterte kay Department of Budget and Management Secretary Benjamin Diokno upang maisama na sa 2019 Proposed National Budget ang pondo para sa wage hike ng mga guro.
( Janice Ingente / UNTV Correspondent )
METRO MANILA – Inihain sa mababang kapulungan ng Kongreso ang isang panukalang batas na layong itaas sa P750 ang arawang sahod ng mga manggagawa.
Saklaw nito ang mga empleyado sa pribadong sektor sa buong bansa kasama ang mga manggagawa sa agricultural at non-agricultural enterprises.
Nakasaad sa panukala na ito ang tugon para matapalan ang malaking puwang sa pagitan ng cost of living at kasalukuyang minimum wage na nagkalahalaga ng ₱570 sa Metro Manila.
Sa isang pahayag, sinabi ni Gabriela Womens Partylist Representative Arlene Brosas na sasapat na ang P750 na daily wage para matustusan ang mga pangangailanan ng ordinaryong pamilyang Pilipino.
METRO MANILA – Batay sa kalkulasyon ng isang labor group na Partido Manggagawa, nasa P76 na ang natapyas sa sahod ng mga minimum wage earner dahil sa naitalang pagtaas ng inflation rate nitong Oktubre na umabot sa 7.7%
Ayon kay Renato Magtubo, Chairman ng grupo, ang mahigit sa P500 na minimum na sahod ng mga mangagawa sa National Capital Region at mahigit P400 sweldo sa probinsya.
Kulang na kulang na umano para tugunan ang pangangailangan ng isang mangagawa lalo na kung mayroong sariling pamilya.
Dahil dito nananawagan ang grupo na madagdagan ng P100 ang arawang sweldo ng mga mangagawa upang makasabay naman sa tumaatas na presyo ng mga bilihin.
Ayon pa kay Magtubo, ang P100 na dagdag sa sahod ay para lang sa wage recovery upang sumapat pa rin ang arawang sahod ng mangagawa lalo’t ayon umano sa mga ekonomista ay aabot pa ang pagtaas ng inflation hanggang sa susunod na taon
Giit ng labor group, kung hindi pa rin mabibigyan ng umento sa sahod ang mga mangagawa sa gitna ng patuloy na pagtaas ng inflation rate, maaari aniya itong makaapekto sa ekonomiya ng bansa.
Bukod sa dagdag sahod, panawagan din ng grupo na magkaroon ng ayuda ang mga Pilipinong walang trabaho na lalong hirap sa buhay dahil sa kawalan ng pagkakakitaan
Sinusubukan pa ng UNTV na makuha ang pahayag ng Department of Labor and Employement (DOLE) ukol sa panawagang dagdag sahod sa mga manggagawa.
(JP Nunez | UNTV News)
METRO MANILA – Batid ni Pangulong Rodrigo Duterte ang masamang epekto ng E-sabong operations sa mga pamilya.
Kaya naman humingi ito ng tawad sa publiko dahil sa pagpapahintulot nito sa bansa.
Ayon sa punong ehekutibo, nanghinayang siya sa kikitaing buwis ng pamahalaan.
Ginawa nito ang pahayag ng pangunahan ang inspeksyon sa National Academy of Sports sa New Clark City sa Capas, Tarlac kahapon (June 14).
Subalit ayon sa pangulo, napagtanto niya ang masamang epekto ng bisyo sa mga Pilipino.
“Kaya ‘yun ang naano ko, but I realized very late and I am very sorry that it had to happen. Hindi ko akalain na ganoon, hindi naman ako nagsusugal. I do not gamble, I do not drink anymore, only water. Pag na-dysfunctional, sige away. Maghiwalay ‘yan.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.
Nitong nakalipas na buwan, iniutos ng presidente na agarang ipatigil ang e-sabong operations sa bansa.
Ito ay matapos magsagawa ng pag-aaral ang pamahalaan kaugnay ng negatibong social epekto ng sugal. Kabilang na ang pagkakalulong ng ilang naglalaro na nagreresulta pa sa pagbebenta ng kanilang mga anak.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: E-SABONG, Pangulong Duterte