Umento sa sahod ng mga mangagawa sa Metro Manila, posibleng desisyunan ng wage board sa ikatlong linggo ng Oktubre

by Radyo La Verdad | September 28, 2018 (Friday) | 6711

Inanunsyo kahapon ni Labor Secretary Silvestre Bello III na hindi bababa sa dalawampung piso ang posibleng umento sa sahod na ibibigay sa mga minimum wage earner sa Metro Manila.

Inamin ni Secretary Bello na imposibleng maaprubahan ang orihinal na 320 piso na dagdag-sahod na iginigiit ng ilang labor groups.

Ayon sa kalihim, ito’y dahil kinakailangan nilang ikonsidera at timbangin ang magiging epekto kung magpapatupad ng malakihang umento sa sahod.

Target ng wage board na madesisyunan sa ikatlong linggo ng Oktubre ang eksaktong halaga ng itataas sa sahod ng mga manggagawa sa National Capital Region (NCR).

Sakaling mapako sa dalawampung piso ang aaprubahang dagdag-sahod, plano naman ng Associated Labor Unions – TUCP na iapela ito sa wage board.

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,