Umano’y unparliamentary behavior nina De Lima at Trillanes, paiimbestigahan sa Ethics Committee

by Radyo La Verdad | October 5, 2016 (Wednesday) | 1265

de-lima-trillanes
Hindi palalagpasin ni Sen.Richard Gordon ang aniya’y hindi magandang asal nina sen. Leila de Lima at Sen.Antonio Trillanes IV sa nakalipas na pagdinig ng Committee on Justice and Human Rights kaugnay sa mga umanoy kaso ng extrajudicial killings sa bansa.

Nito lamang Lunes ng gabi, nagwalk-out sa pagdinig si Sen.Leila de Lima dahil sa akusasyon ng ibang senador na itinago niya ang detalye ukol sa kidnap for ransom case ng testigong si Edgar Matobato.

Inakusahan rin ni Sen.Gordon si Sen.Trillanes na sinadya umano nitong itago si Matabato sa noong kokomprontahin na ito kaharap ng iba pang testigo itinuro niyang umano’y dating miyembro ng Davao Death Squad.

Dahil dito, nais iakyat ni Gordon sa kumite ng senadoang mga umano’y naging unparliamentary behavior ng dalawa.

Kapag napatunayan ng senado na may nakagawa ng unparliamentary conduct ang isang senador, maaari itong isuspindi o patalkisin sa pwesto.

Paliwanag naman ni Sen.De Lima, pinagtutulungan na siya ng mga senador at diniin sa akusasyong nakikipagsabwatan siya kay Matobato para sa kanyang personal na interes.

Hindi rin aniya totoo ang paratang sa kanya na material concealment dahil napatunayang nabanggit na ng testigo sa mga nakaraang pagdinig ang kidnapping case nito.

Ayon kay Sen.Trillanes, dapat si Sen.Gordon ang humingi ng tawad sa senadora.

Samantala, nagmatigas naman si Sen.Gordon na hindi siya magsosorry kay Sen.De Lima.

(Joyce Balancio / UNTV Correspondent)

Tags: , , ,