Umano’y patunay ng pandaraya sa 2016 vice presidential elections, inilabas ni dating Sen. Bongbong Marcos

by Radyo La Verdad | January 30, 2018 (Tuesday) | 3905

May matibay umanong ebidensiya ang kampo ni dating Sen. Bongbong Marcos na nagkaroon ng dayaan sa nakaraang 2016 vice presidential elections.

Iprinesenta ni Marcos ang imahe ng mga balota mula sa Camarines Sur at Negros Oriental na kakaiba umano sa mga balotang ginamit noong halalan.

Wala ang mga oval na dapat sana ay katabi ng pangalan ng kandidato at sa halip, may makikitang square sa tabi ng ibang pangalan. May mga nakita ring balota na hindi binilang ang kanyang boto.

Halimbawa, sa tatlong balotang ito, malinaw na pangalan niya ang minarkahan pero “undervote” o walang boto ang nakalagay sa resibo. May mga balota rin umano na dapat spoiled na dahil dalawa ang ibinotong bise-presidente, pero lahat ay binibilang pabor kay Vice President Leni Robredo.

Ayon sa ekspertong kinonsulta ni Marcos, malinaw na may anomalya sa imahe ng mga balota. Kailangan umano na tingnan ang mga pisikal na balota upang matukoy kung ano ang pinagmulan nito.

Duda ni Marcos, posibleng ginawa ang aniya’y pagmanipula sa mga boto sa mga regional hub na itinalaga ng COMELEC anim na araw bago ang halalan.

Sa mga regional hub na ito ni-reformat ang mga pumalpak na sd card sa halip na dalhin pa sa warehouse ng COMELEC sa Sta. Rosa, Laguna.

Hinamon pa ni Marcos ang kampo ni Robredo na bawiin na nilang pareho ang kani-kaniyang mga mosyon at dumeretso na sa mano-manong bilangan ng mga balota.

Sa kabila nito, tiwala ang abogado ni Robredo na walang mapatutunayan ang protesta ni Marcos, kahit pa daanin sa mano-manong bilangan.

Posible namang matuloy na ngayong Pebrero ang manu-manong bilangan ng mga balota sa tatlong probinsiya para sa pilot recount, ang Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,