Umano’y panunuhol ng Chinese drug lord na si Wang Bo, muling itinaggi ng Bureau of Immigration

by Radyo La Verdad | June 9, 2015 (Tuesday) | 1610

BI COMM MISON
Direktang pinasinungalingan ng tatlong opisyal ng Bureau of Immigration na umano’y tumanggap sila ng 100-milyong piso kapalit ng pananaliti sa bansa ng Chinese Drug lord na kinilala sa pangalang Wang Bo.

Sa pagdinig sa kamara ipinaliwanag nina Bureau of Immigration Commissioner Seigfred Mison, Abdulah Mangotara, Asst. Comm Gilbert Repizo ang kanilang naging basehan kaya binawi ang unang Deportation Order kay Wang Bo na sinasabing naging ugat ng suhulan.

Ayon kay Mison, March 5 nang unang lumabas ang deportation order kay Wang Bo na hindi naman tinutulan nina Repizo at Mangotara.

May 21, nagpasya si Mison na bawiin ang deportation order o huwag munang pabalikin ng China si Wang Bo upang linawin ang umano’y mga kasong estafa na kinahaharap din nito dito sa Pilipinas.

Subalit kinabukasan May 22, dumating sa opisina ng BI ang mga dokumento galing sa Chinese Police Attache kasama ang Warrant of Arrest at passport cancellation ni Wang Bo.

Agad nagpatawang nang special board meeting si Mison upang ituloy na ang pagdeport kay Wang Bo dahil sa mga dokumentong nagpapatunay ng mga kasong illegal gambling at money launding na kinahaharap nito sa kanilang bansa.

Subalit hindi na sumang-ayon sina Repizo at Mangotara na ideport ang Chinese crime lord.

Ayon kay Repizo, photocopy ang mga dokumentong ipinadala ng Chinese Police Attache kaya hindi siya naniniwala sa authenticity ng mga ito.

Ang ipinagtataka ni Mison ito ang unang pagkakataon na humingi ng authenticated documents si Repizo sa lahat ng Deportation case ng BI.

Dito umano umikot ang isyu ng suhulan sa Bureau of Immigration na umabot pa sa Kamara kung saan ang perang ibinigay umano ni Wang Bo sa mga opisyal ng BI ang siyang ginamit na pang- suhol sa mga kongresista para bumoto sa pagpasa ng Bangsamoro bill.(Grace Casin/UNTV News)

Tags: , , , , ,