Umano’y pagbibigay ng pondo ng PCSO sa Malasakit Centers ni Senator Bong Go, kiniwestyon ng isang kongresista

by Erika Endraca | August 26, 2019 (Monday) | 16147

MANILA, Philippines – Kinuwestyon ni Albay 1st District Representative Edcel Lagman ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kaugnay sa umano’y pagbibigay ng pondo ng ahensya sa Malasakit Centers na isa sa mga programang pinangunahan ni Senator Bong Go.

Ayon kay Congressman Lagman, dapat na imbestigahan ng PCSO ang operasyon ng Malasakit Centers at kumpirmahin kung totoong napupunta sa medical assistance o social services ang pondong ibinibigay dito.

Duda ang kongresista na maaring nagagamit ang pondo sa political propaganda.

“There is need for you to investigate and validate the effectivity of this malasakit center because this is more of a partisan tool rather than a medical outlet” ani 1st District Albay Representative Edcel Lagman.

Subalit mariing itinanggi ni PCSO General Manager Royina Garma na pino-pondohan nila ang Malasakit Centers.

“We are not funding the center we are funding the clients na pumupunta dun at humihingi ng medical assistancenso we dont give the funds to the center” ani PCSO General Manager, Royina Garma.

Sa isang pahayag nilinaw naman ni Senator Bong Go, na walang political o partisan agenda ang Malasakit Centers.

Ipinaliwanag ng senador na isa lamang itong one stop shop assistance center kung saan pinagsama-sama sa isang opisina ang mga ahensyang nagbibigay ng tulong sa pamahalaan.

Pinabulaanan rin nito na may tinanggap siyang pondo mula sa PCSO para sa pagpapatayo ng Malasakit Centers.

Ayon kay Senator Go, ang programang ito ay sagot ng Duterte Administration sa panawagan ng libo-libong nating mga kababayan na umaapela ng tulong sa gobyerno mula sa pera ng bayan na pinagpaguran ng mga Pilipino.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: ,