Dead on the spot ang lalaking ito matapos manlaban umano sa mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na magsisilbi lang sana ng search warrant.
Nangyari ang engkwentro pasado alas otso kagabi sa unuupahang bahay ng suspek sa may P. Taylo st., Barangay Pio del Pilar, Makati City. Kinilala ang lalake na si Rolando Abundo Jr. at kabilang sa listahan ng mga high value target ng PNP.
Ayon kay PNP Chief Oscar Albayalde, miyembro umano ng isang criminal gang si Abundo na sangkot sa drug trafficking at gun for hire operations. Nahaharap rin ito sa kasong murder.
Narekober sa tinutuluyan ng suspek ilang matataas na kalibre ng baril kabilang ang isang M4 at M16 rifle, improvised grenade launcher, isang glock caliber 40, tatlong caliber 38 pistol, 22 round ng M203, isang hand grenade at iba’t-ibang klase ng bala.
Nakumpiska rin ng mga pulis ang sampung sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit tatlong milyong piso at pera na pinaniniwalaang kita ng suspek sa pagbebenta ng iligal na droga.
Nadamay naman sa engkwentro ang ina at kapatid ng suspek na agad namang isinugod sa Pasay General Hospital. Dinala naman sa presinto ang pitong indibidwal upang sumailalim sa imbestigasyon.
Ayon sa mga pulis, nagsisilbi umanong look-out, spotter at runner ni Abundo ang mga ito.
Panawagan naman ni Albayalde sa publiko, maging mapagmatyag at agad isumbong sa mga pulis kung may kahinahinalang tao sa inyong lugar.
( Gerry Galicia / UNTV Correspondent )
Tags: NCRPO, PNP, PNP Chief Oscar Albayalde