Umano’y mga ibinebentang substandard appliances sa Raon, Maynila, sorpresang ininspeksyon ng DTI

by Radyo La Verdad | February 28, 2018 (Wednesday) | 3749

Muling nag-inspeksyon kanina ang mga tauhan ng Department of Trade and Industry (DTI) sa ilang mga tindahan ng appliances sa Raon, Maynila.

Ito’y matapos na makatanggap ng sumbong ang DTI na ilan sa mga ibinebentang appliances dito ay hindi dumaan sa product safety inspection.

Isa-isang sinuri ng DTI ang mga naka-display na TV, DVD player, speaker at iba pang mga appliances upang makita kung may maayos at tamang markings o label ang mga ito.

Natuklasan ng DTI na ang ilan sa mga ibinebentang produkto ay walang mga import commodity at product standard sticker.

Agad na inimbentaryo ng DTI ang mga naturang produkto at pansamantalang kinumpiska upang matukoy kung substandard ang mga ito.

Samantala, ininspeksyon rin ng DTI ang ilang mga supermarket, upang makita kung sumusunod ang mga ito sa itinakdang suggested retail price (SRP).

Kabilang sa mga sinuri ng DTI ay ang presyo ng mga itinitindang powdered at canned milk, mga sardinas, meatloaf, noodles at iba pa.

Lumabas sa pagsusuri ng DTI na wala pang malaking epekto sa presyo ng mga pangunahing produkto kahit ipinatutupad na ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

Sa kabila nito, tiniyak naman ng DTI na patuloy sila magbabantay upang tiyaking walang sinomang mga negosyante ang magsasamantala sa presyo ng mga bilihin.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,